14.8.09

TALAHIB

8.7.09


Isang kandila ang aking natatanaw at isang ale ang nakatayo sa harap nito. Taimtim ang pagdarasal. Dinig ko ang mga bulong niya.

Sa mga salitang impit na lumabas sa garalgal niyang boses nabuo ang isang kwentong marahil ay kwento ng isang anghel na tulad ko.

Madalas ang pagbisita ng pamilyar na mukha sa lugar na ito. At sa bawat araw ng pumapatak sa petsang ika labing anim ng bawat buwan nandito siya. At sa bawat panahong iyon ay nandito din ako.

Tulad ngayon. At dahil madalas kaming magkita tinabihan ko siya at tahimik na nakinig sa mga panalangin na sinasabayan ng bawat iyak.

Ipinagdarasal niya ang isang batang nawala sa piling niya. Naantig ang aking damdamin…

Siya pala ay isang inang nawalan ng anghel sa gitna ng mga panahong nagdadalamhati ang kanyang puso sa isang pag-ibig na nawala…

Nagpatuloy ako sa pakikinig.

Humihingi siya ng patawad sa nagngangalang “the answer”. Ilang beses ko rin narinig ito sa kanya sa bawat punta niya dito. Malamang ito ay isang kapatid o kamag-anak. Ngunit madalas mag-isa siyang nagpupunta dito.

Sa pagitan ng bawat hikbi ay ang mga katagang humihingi ng patawad sa panahong hindi nito naipaglaban ang buhay ng isang “the answer” at ang panahong hinayaan niyang masira ang noo’y sanay isang pamilyang maaaring bumuo sa poagkatao ni “the answer”.


Naiyak ako sa mga narinig ko. Pamilyar ang kwentong ito. Inakbayan ko siya at niyakap ng buong higpit. Bumilis ang tibok ng puso ko. Ramdam ko ang sakit ng taong buong puso kong niyapos.

At ng banggitin niya ang “talahib” gumuho ang mundo ko.

Noong una “the answer” ang pangalan ng batang noo’y nabuo sa isang malalim na pagmamahalan. Isang pamilyang pinilit buuin ng babaeng yakap ko. Ngunit unti-unting gumuho sa isang pangyayaring pinili niyang wag ipaalam sa kanyang “the answer”…ang noo’y kasagutan sana sa mga plano nila.

Bakit talahib?

Dahil ang talahib tumutubo kung saan saan magkabuhay lamang. Walang kumikilala. Walang nag mamay ari. Itinatatwa at pinipilit hugutin upang mawala dahil isa siyang walang kwentang tanim na maaaring sumira sa isang magandang hardin.

Talahib dahil mas pinili siyang mawala ng isang taong sumira sa isang pamilyang dapat sana’y sa kanila.

Naputol ang aking pakikinig sa kanya. Humulagpos ako sa yakap ko sa kanya ng isang batang kalaro ang tumulig sa aking kamalayan. Tinawag akong “talahib”.

Umikot ang mundo ko. Kaya pala siya pamilyar. Kaya pala madalas kaming ditto magtagpo. Kaya pala ramdam ko ang puso niya.

Dahil ako ang kanyang “talahib” at ngayong araw na ito ang araw na pinaghiwalay kami ng tadhana.

Tanda ko na..sa talahiban din ako nawala…

Solongtinik.8.7.09

No comments:

Post a Comment