20.6.11

TrApO

Madalas tumambay ang aking kaisipan.

Tumitigil kung saan tamaan ng dahilan upang mahapo.

Mula ng magkaisip ako at natutong sumulat ng mga kathang isip ng kwentong minsan ay totoo ngunit mas madalas ay likha ng guni guni ay naging tambayan ko na ang pag iisa.

Madalas sa mga coffee shop. Mabilis akong makabuo ng mga kung anu anong sulatin habang ako ay humihigop ng kape habang humihitit at nagbubuga ng usok ng yosi. Walang problema sa mga ganitong lugar...kanya kanyang buhay. Kanya kanyang pinagkakaabalahan.

Minsan naman ay sa apat na sulok ng aking maliit ngunit luntiang kulay na kwarto. Apol green ang gusto kong kulay ng dingding ko ewan ko at pag uwi ko ay dark green..pasalamat na lang ako at hindi neon green. Dito, tahimik...akin ang mundo. Si Pido, ang aming daschund, lang naman ang pag nakaisip ay aakyat at didiretso sa aking kwarto. Hahalukipkip sa aking pink na comforter. Pagkatapos nun dalawa na kami sa munti kong mundo. Pero, ok lang yun...tahimik naman ang pandak na asong ito.

Bilang isang nagpupumilit na manunulat at nagpupumilit ipagsiksikan ang sarili sa mundo ng ARTS sumubok ako ng ibang tambayan.

Napadaan ako sa isang kalyeng sa aking alaala ay medyo may konting hawi ng pamilyaridad. Mukhang tahimik. Ah, marami sigurong inspirasyon dito. Iba ibang kwento. Mga kwentong may saysay. Marami naman. May mga tulad ko ding naghahanap ng dahilan ng kanilang paghinga sa mundo. May mga iilang sa tingin ko ay nasa puso ang pagtambay dito. Ang iba naman ay parang wala lang magawa sa buhay at ang iilan ay walang mapuntahan.

Naupo ako.

Nabingi.

Muntik pang maging tuod.

Iisa ang palahaw ng bawat taong dumadaan.

Pinili kong panatilihin ang kulturang natutunan ko sa mga nakasanayan kong tambayan.

Hanggang ang bulung bulungan ay lumakas.

Nabingi ako lalo.

Mukhang ako naman ang inspirasyong nahanap nila.

Isang pain sa mga nilalang na hayok sa kwentong barbero.

Ako ang naging laman ng bawat pahina ng librong kanilang sinusulat.

Walang nagawa ang headphone kong pilit na bumubingi ng magagandang musika sa aking teynga.

Mas malakas ang palahaw nila.

Napapatingin ako.

Sinubukan kong basahin.

Eh, pwede nang ihabla ng libelo ang kung sinumang publisher ng librong walang pamagat ngunit kulay ng sumasagisag ng perversion.

Natawa ako. Akala ko pag mga nagpapanggap na matalino ang gumagawa ng libro ay umiiwas sa salitang “sensationalism” pero sa tagal ko ng nagbabasa ng libro (walong taong gulang) ay ngayon lang ako nakabasa ng lathalaing walang nakalagay na tama.

May mga nakabasa.

Natawa sila.

Natuwa ako.

Artistahin ang dating ng kwentong gawa sa HINDI malikhaing isip ng mga nagpupumilit maging manunulat ang nilalaman ng bawat pahina nito. Nahabag ako. Mabuti na lang at hindi dumaan sa mga kamay ko ang produktong gawa sa HINDI talaga malikhaing isip ng bawat manunulat na ito..

Kung nagkataon...hindi lang bagsak sa writing class ko ang abot ng kung sinumang nagpasimuno ng ideyang ito.

Nawa’y matutunan nila ang leksyong ito: ang dignidad ay hindi nasisira ng anumang salitang nakapaloob sa walang saysay na libro o lathalain.

No comments:

Post a Comment